Naitabla ng Pangasinan Asinderos sa 1-1 ang kanilang championship series kontra defending champion na Tikas Kapampangan matapos magwagi sa Game 2 ng National Basketball League o NBL Pilipinas Governors’ Cup Season 2 Finals, 99-95, sa Robert B. Estrella Jr. Memorial Stadium sa Rosales, Pangasinan.
Nanguna para sa Asinderos si CJ Saure, na nagmula sa bench at nagtala ng 19 puntos, limang rebounds, dalawang assists at isang steal upang tulungan ang koponan na makabawi sa pagkatalo sa unang laro ng serye.
Ipinakita ng Asinderos ang opensa laban sa Tikas matapos lumamang pa ng 23 big points sa pagtatapos ng 1st half. Nagbigay sigla at inspirasyon sa mga ito ang mga tagahangang Pangasinense na nanood sa loob RBE Stadium.
Mula sa umpisa hanggang matapos ang laro, hawak ng Pangasinan ang momentum at hindi nagawang makahabol ang Pampanga.
Ito rin ang kauna unahang panalo ng Asinderos kontra Tikas ngayong season ng NBL Pilipinas.
Matatandaan na noong Game 1, nanaig ang Tikas Kapampangan, 111-104, matapos ang double overtime game na ginanap sa Pampanga.
Nagtala si Rodel Mark Renon ng 26 puntos para sa Asinderos, habang nanguna naman si Lhancer Khan ng Tikas sa 17 puntos at 16 rebounds na siyang hinirang na player of the game.
Inaasahang magiging mas maigting ang sagupaan ng dalawang koponan sa Game 3 na nakatakdang ganapin, bukas, Oktubre 18, alas-5:30 ng hapon, kung saan ang Tikas Kapampangan ang may homecourt advantage.
Sa mgayon, layunin ng bawat koponan na makuha ang bentahe sa best-of-five series at mapalapit sa kampeonato.










