Patuloy ang pagpapatupad ng mga hakbang ng Dagupan City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) upang maiwasan at mabawasan ang epekto ng pagbaha sa lungsod.
Ipinaliwanag ni Ronald de Guzman, Chief ng Dagupan CDRRMO, na kabilang sa kanilang mandato ang disaster mitigation o mga hakbang na naglalayong mabawasan ang epekto ng mga sakuna, partikular na ang pagbaha.
Katuwang ng CDRRMO ang City Engineering Office sa pagsasagawa ng mga proyekto at aktibidad tulad ng paggawa ng river dike, river cleanup, creek rehabilitation, at paglilinis ng mga kanal upang mapabilis ang daloy ng tubig.
Sa disaster preparedness naman, nakikipag-ugnayan ang CDRRMO sa Public Alert Response Monitoring Center o Emergency Operations Center na nagsasagawa ng monitoring sa mga bagyo, pag-ulan at lindol.
Kapag may namonitor na kakaibang kondisyon o posibleng banta, agad itong ipinapaabot sa CDRRMO upang maisagawa ang kinakailangang hakbang.
Agad ding ipinapaalam sa mga barangay ang mahahalagang impormasyon upang maihanda ang mga residente at makapagsagawa ng kaukulang pag-iingat sakaling lumala ang sitwasyon.










