Pinapaimbestigahan ng grupo ng health advocates sa Office of the Ombudsman si Acting Health Secretary Jose Pujalte Jr. dahil sa umano’y pagpigil sa procurement ng tuberculosis (TB) medicines at medical supplies para sa 2026.
Hiniling din ng mga ito na isailalim ang bagong talagang kalihim sa preventive suspension.
Kasabay nito ay nais din ng grupo na sampahan si Pujalte Jr. ng kasong graft at alisin sa puwesto dahil sa umano’y grave misconduct, grave abuse of authority, at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Katwiran ng grupo, nananatiling naka-freeze ang procurement kahit may inilaan ang Kongreso na ₱3.2 bilyon para sa anti-TB drug program.
Tinukoy ng mga ito ang umano’y impormasyon na kanilang nalikom na umano’y nagpapakitang sinasadya umanong maantala ang bidding process upang paboran ang isang hindi pinangalanang supplier.
Ang reklamo ay nakapaloob sa 18-page complaint na inihain ng anonymous health advocates sa Office of the Ombudsman.
Magugunitang pinalitan ni Pujalte si dating Health Sec. Teodoro Herbosa, halos isang buwan na ang nakakalipas kasunod ng pagbibitiw ng huli sa naturang puwesto.










