Dagupan City – Opisyal na inilunsad ng Dagupan City Police Office (DCPO), sa pamamagitan ng City Mobile Force Company (CMFC), ang Project I.N.A.R.O. (Inspiring Neighborhoods through Assistance, Responsive Outreach) sa Salapingao Elementary School sa Barangay Salapingao.
Layunin ng Project I.N.A.R.O. na palakasin ang ugnayan ng kapulisan at komunidad sa pamamagitan ng patuloy na pagbibigay ng kaalaman sa kaligtasan, pag-iwas sa krimen, at mga programang makatao.
Bahagi ito ng Whole-of-Nation Approach na nagtataguyod ng pagkakaisa ng mga pulis, paaralan, mga opisyal ng barangay, at mga residente upang mapanatili ang pangmatagalang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
Sa isinagawang paglulunsad, nagsagawa ang mga tauhan ng CMFC ng mga lecture tungkol sa crime prevention, anti-terrorism, at pangangalaga sa kababaihan at mga bata.
Nagbigay rin sila ng rain boots at mga payong sa mga kindergarten pupils ng Salapingao Elementary School upang matiyak ang kanilang kaligtasan at proteksiyon ngayong panahon ng tag-ulan.
Naging matagumpay ang programa sa tulong ng kooperasyon ng kapulisan, pamunuan ng paaralan, mga opisyal ng barangay, mga guro, at mga magulang.
Sa pamamagitan ng Project I.N.A.R.O., muling ipinakita ng Dagupan City Police Office ang kanilang patuloy na dedikasyon sa pagbibigay ng maagap, makatao, at responsableng serbisyo para sa kaligtasan at kapakanan ng bawat miyembro ng komunidad, lalo na ng mga kabataan.










