Dagupan City – Nagdulot ng pansamantalang pagsuspinde ng face-to-face classes sa Manaoag National High School (MNHS) kahapon ang isang online threat matapos kumalat sa social media ang isang malisyosong Facebook post na naglalaman ng banta ng pamamaril sa isang paaralang tinukoy lamang bilang “MNHS.”
Dahil dito, agad na nagsagawa ng mga kaukulang hakbang ang pamunuan ng paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani, sa kabila ng kawalan pa ng beripikasyon sa naturang social media post nang mga oras na iyon.
Sa bisa ng School Principal’s Order No. 01, s. 2026, ipinag-utos ni Principal IV Dr. Daisy S. Mayola ang pansamantalang pagsuspinde ng face-to-face classes at ang pagpapatupad ng Alternative Delivery Mode (ADM) habang isinasagawa ang security assessment upang matiyak ang kaligtasan ng komunidad ng paaralan at maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga estudyante.
Agad naman nakipag-ugnayan ang pamunuan ng paaralan sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang seguridad sa kampus.
Sa direktiba ni Manaoag Mayor Jeremy Agerico “Doc Ming” B. Rosario, nagdeploy ang Manaoag Police Station ng karagdagang puwersa upang magsagawa ng security inspection at palakasin ang presensya ng kapulisan sa loob at paligid ng paaralan.
Tumulong na din ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) para sa maayos na pagsasagawa ng pagsusuri.
Sa isinagawang beripikasyon ng mga awtoridad, walang naitalang insidente, walang nasaktan, at walang natukoy na pagpasok ng anumang mapanganib na armas sa loob ng paaralan.
Samantala, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan ng kumalat na Facebook post sa pamamagitan ng Anti-Cybercrime Unit.
Nagbabala ang Manaoag Police Station na may kaakibat na pananagutang kriminal ang paggawa at pagpapakalat ng mga online threat, habang hinimok naman ng administrasyon ng Manaoag National High School ang publiko na manatiling kalmado, umiwas sa pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon, at sumubaybay lamang sa mga opisyal na anunsyo ng paaralan at mga awtoridad.










