Pormal nang naghain ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng diplomatic protest laban sa China kaugnay ng “racist depiction” ng mga Pilipino sa mga serye ng opinion videos at editorial cartoons na inilathala ng state-run newspaper na China Daily.
Nag-ugat ito mula sa inilabas na AI-generated video sa facebook ng China Daily na nagpapakita sa mga Pilipino bilang unggoy habang nilalapastangan ang arbitral victory ng Pilipinas.
Ayon sa DFA, unang idinulog ni Foreign Affairs USec. Leo Herrera-Lim ang naturang isyu nang direkta kay Chinese Ambassador Jing Quan sa isang pulong nitong Huwebes, kung saan idinemand niyang tanggalin ang naturang offensive materials.
Sinabi ni Lim sa Chinese envoy na taliwas ang naturang content sa inaasahang mutual respect sa pagitan ng dalawang bansa at walang maibibigay na mabuti sa kanilang bilateral relations.
Ayon sa DFA, naghain ito kalaunan ng diplomatic protest dahil lumagpas na aniya ang China Daily sa lehitimong diskursong politikal at tahasang nambabastos sa lahing Pilipino.
Kaugnay nito, iginiit ng DFA ang demand nito na i-take down o burahin ang naturang video sabay babala na mas lalo lamang nitong mapapalubha ang kawalan ng tiwala sa pagitan ng dalawang bansa at hinimok ang China na pairalin nag dignidad, respeto at katotohanan sa pampublikong diskurso nito.
Sumulat na rin ang Philippine Embassy sa Beijing sa editor-in-chief ng pahayagan para sa agarang pagbura ng naturang material.










