Dagupan City – Patuloy na pinalalakas ng Pangasinan Public Employment Service Office (PESO) ang pakikipag-ugnayan nito sa mga unibersidad, kolehiyo, at pribadong kumpanya upang mas mailapit ang mga oportunidad sa trabaho sa mga Pangasinense.
Ayon kay Wilfreda Vicente, Labor Employment Officer III ng Pangasinan PESO, nakikipagkoordina sila sa mga paaralan na humihiling ng job fairs at iba pang employment activities upang mas maraming mag-aaral at naghahanap ng trabaho ang makinabang.
Bukod sa mga job fair, nakatakda ring magsagawa ang PESO ng iba’t ibang recruitment at employment assistance activities sa nalalabing buwan ng taon. Kabilang dito ang pakikilahok sa mga programa sa iba’t ibang bayan kung saan isinasabay ang recruitment ng mga kumpanya at iba pang serbisyong inilalapit sa mga mamamayan.
Inamin din ni Vicente na may ilang hamon sa paghahanap ng trabaho ng mga aplikante. Kabilang dito ang epekto ng kalamidad, kakulangan sa pinansyal na kakayahan, at maging ang pag-aalinlangan ng ilang pamilya na payagang magtrabaho ang kanilang mga kaanak sa malalayong lugar o sa ibang bansa.
Aniya, mahalaga ang kahandaan at bukas na pag-iisip ng mga aplikante upang mas mapalawak ang kanilang oportunidad.
Pinayuhan din ng Pangasinan PESO ang mga naghahanap ng trabaho na patuloy na paunlarin ang kanilang kakayahan at huwag limitahan ang kanilang aplikasyon sa iisang kumpanya lamang.
Inirekomenda rin na magdala ng maraming kopya ng kanilang resume at iba pang mahahalagang dokumento sa mga job fair upang magkaroon ng mas maraming pagpipilian.
Binigyang-diin ni Vicente na mahalagang magkaroon muna ng work experience at patuloy na magdagdag ng kasanayan upang maging mas kompetitibo sa mas malalaking kumpanya.
Hinikayat din niya ang mga Pangasinense na huwag mawalan ng pag-asa sa paghahanap ng trabaho dahil nananatiling maraming oportunidad para sa mga handang magsikap at magtrabaho.










