Agarang aksyon at direktang makialam sa pag-aangkat ng bigas. Iyan ang panawagan ng Magsasaka Partylist hinggil sa hindi nagbabagong mataas na presyo ng bigas sa Pilipinas kasabay ng inaasahang kakulangan sa suplay dulot ng Super El Niño.

Ayon kay Argel Cabatbat, Chairman ng Magsasaka Partylist, posibleng magtala ang Pilipinas ng record-high rice importation dahil sa humihinang produksyon ng palay sa sektor ng agrikultura kaya mahalagang magkaroon ng hakbang ang pamahalaan upang matiyak na abot-kaya ng mga mamamayan ang presyo ng bigas asa pamilihan.

Ipinaliwanag din ni Cabatbat na bagama’t hindi importasyon ang bigas ang pinakamainam na solusyon, ay ito na lamang umano ang natitirang paraan upang matugunan ang kakulangan ng suplay sa bansa.

--Ads--

Gayunman, iginiit niyang dapat manguna ang pamahalaan sa kalakalan ng importasyon imbis na ipaubaya na lamang ito sa mga pribadong importer na kadalasang nagbebenta sa mas mahal na presyo sa pamilihan.

Samantala, binigyang-diin ni Cabatbat na dapat umanong maglaan ng pondo para sa mga magsasakang nalugi dahil sa El Niño bilang isang mahalagang solusyon para tulungan ang mga apektadong magsasaka at maiwasan ang posibleng pangmatagalang epekto ng kalamidad at lalo pang mahirapang makabangn ang produksyon ng pagkain sa bansa.

Himinok din niya ang kinauukulang ahensya na dapat tukuyin ang dahilan ng patuloy na pagbaba ng produksyon sa gitna ng patuloy umanong tumataas na pondo sa sektor ng agrikultura sa bansa.