Matindi ang kasabikan ngayon sa Spain habang puspusan ang paghahanda ng bansa para sa nalalapit na FIFA World Cup 2026 Final sa Hulyo 19, kung saan makakaharap ng kanilang pambansang koponan ang defending champion Argentina.

Kasunod ng 2-0 panalo ng Spain laban sa France sa semifinal, lalo pang tumaas ang kumpiyansa ng mga fans na muling masusungkit ng kanilang national team ang kampeonato.

Patuloy ang masinsinang pagsasanay ng tropa ni Coach Luis de la Fuente, na nakatutok sa kondisyon ng mga key players gaya nina Lamine Yamal at Pedro Porro upang matiyak ang kahandaan sa pinakamahalagang laban ng torneo.

--Ads--

Ayon kay Bombo International News Correspondent Eva Tinaza, abala na rin ang iba’t ibang lungsod sa Spain sa paghahanda para sa malawakang panonood ng finals.

Inaasahang dadagsain ng libu-libong football fans ang mga public viewing areas sa Madrid, kabilang ang Plaza de Colón, kung saan libre ang panonood para sa publiko.

Dahil dito, pinaigting ng mga awtoridad ang seguridad sa mga lugar na inaasahang pagtitipunan ng mga fans. Nakaalerto rin ang mga pulis at emergency response teams upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa panahon ng laban.

Samantala, ilang Pilipino sa Spain ang nagsabing kapansin-pansin ang kasabikan ng mga mamamayan habang papalapit ang finals.

Umaasa sila na muling makapagtatala ng kasaysayan ang Spain at maiuuwi ang ikalawang FIFA World Cup title matapos ang unang kampeonato noong 2010.