Ganap nang isang tropical depression ang low pressure area (LPA) na mino-monitor sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa state weather bureau huling namataan ang LPA sa layong 2,905 kilometro silangan ng timog-silangang Mindanao.
Maliit naman ang tyansang pumasok ito sa PAR kung saan hindi ito inaasahang makaaapekto sa lagay ng panahon sa anumang bahagi ng kalupaan ng Pilipinas dahil posible rin daw itong malusaw.
Samantala, patuloy namang nakakaapekto ang southwest monsoon o habagat na magdudulot ng mga localized rain shower at thunderstorms sa Extreme Northern Luzon.
Habang ang natitirang malaking bahagi ng bansa ay patuloy na makararanas ng mainit at maalinsangang panahon lalo na sa bandang hapon at gabi.










