Nanawagan ang pamunuan ng Roman Catholic Cemetery sa bayan ng Malasiqui, Pangasinan sa mga naglilinis ng mga puntod na tiyaking maayos ang pagtatapon ng mga basura upang mapanatili ang kalinisan sa loob ng sementeryo sa darating na undas.
Hiniling sa mga naglilinis na ilagay sa mga sako ang mga nakolektang basura sa halip na iwan ang mga ito sa paligid o sa mga daanan.
Ayon kay Porferio Asuncion, caretaker ng Roman Catholic Cemetery sa Malasiqui, may mga reklamo nang natatabunan ng mga basurang mula sa paglilinis ang ilang puntod, kaya mahalagang tiyaking maayos ang pag-iipon ng mga ito.
Dagdag niya, Matapos maisako ang mga basura, ang mga namamahala na ang bahalang magsaayos ng mga ito upang maiwasan ang pagkalat at mapanatiling malinis ang lugar.
Hiniling din sa mga nagtitinda na sa labas lamang ng sementeryo magtayo ng kanilang mga puwesto. Pinapayagan ang pagtitinda sa paligid, ngunit hindi sa loob ng libingan upang hindi makasagabal sa mga naglilinis at bumibisita.
Samantala, nagpapatuloy ang paglilinis at paghahanda sa Roman Catholic Cemetery bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga bibisita sa Undas.
Sa kasalukuyan, wala namang naitalang malaking problema sa lugar, at wala rin umanong mga nitso na nasira.
Pinaalalahanan ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kalinisan sa loob at labas ng sementeryo bilang paggalang sa mga yumaong mahal sa buhay at sa mga pamilyang bibisita sa mga puntod ngayong Undas.










