Dagupan City – Naglabas ng paalala ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO sa mga mangingisda na pansamantalang huwag munang pumalaot dahil sa patuloy na epekto ng Southwest Monsoon o Habagat.

Ayon sa PDRRMO, nananatiling mapanganib ang kondisyon ng karagatan dahil sa malalakas na hangin at maalong dagat na dulot ng umiiral na Habagat, na maaaring magdulot ng panganib sa mga maliliit na sasakyang pandagat.

Dahil dito, mahigpit na hinihikayat ang lahat ng mangingisda na ipagpaliban muna ang kanilang paglalayag hanggang sa bumuti ang lagay ng panahon at maging ligtas na muli ang karagatan.

--Ads--

Pinayuhan din ng PDRRMO ang publiko, lalo na ang mga nasa baybayin, na patuloy na subaybayan ang mga opisyal na weather advisories ng PAGASA at sundin ang lahat ng babala at abiso mula sa mga kinauukulang ahensya.

Binigyang-diin ng tanggapan na ang kaligtasan ng bawat mamamayan ang dapat unahin upang maiwasan ang anumang sakuna habang nananatili ang masamang kondisyon ng panahon.