Magsisilbing malaking ginhawa sa mga motorista at commuter ang naging pormal na pagbubukas ng Manila Railroad (MRR) North and South Roads sa Barangay Mayombo sa lungsod ng Dagupan matapos itong buksan sa publiko kahapon bilang bahagi ng mga proyektong pang-imprastraktura ng lokal na pamahalaan.
Maaari nang gamitin ng mga pampubliko at pribadong sasakyan ang bagong kalsada matapos makumpleto ang kinakailangang curing period ng proyekto upang matiyak ang tibay at kalidad ng pagkakagawa nito.
Muling magagamit ng mga motorista ang naturang ruta, partikular ang mga biyaheng papunta at pabalik ng mga bayan ng Mangaldan, San Fabian, Manaoag, San Jacinto, at Mapandan, gayundin ng mga bumibiyahe patungo sa mga silangang barangay ng Dagupan City, matapos itong pansamantalang isara noong mga nakaraang taon habang isinasagawa ang konstruksyon.
Batay sa lokal na pamahalaan, ang proyekto ay pinondohan sa ilalim ng Development Fund para sa taong 2026 na nagkakahalaga ng mahigit ₱19 milyon.
Inaasahang makatutulong ang pagbubukas ng MRR North at South Roads sa pagpapabilis ng daloy ng trapiko at pagbawas ng pagsisikip ng mga sasakyan sa lungsod, lalo na sa oras ng matinding trapiko o rush hour.
Bukod dito, inaasahan ding mapapalakas ang koneksyon ng Dagupan City sa mga karatig-bayan, mapapabilis ang transportasyon ng mga tao at produkto, at magiging mas maginhawa ang paglalakbay ng mga motorista at commuter sa pamamagitan ng bagong bukas na ruta










