Hinimok ng August Twenty-One Movement (ATOM), si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na lumantad at harapin ang kasong inihain laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC), sa halip na patuloy na magtago mula sa mga awtoridad.

Kasunod ito ng pag-anunsyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ng ₱50-milyong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na makatutulong sa pagtukoy sa kinaroroonan ng senador.

Ayon kay Bien Gonzales – Vice President ng naturang grupo bahagi ng estratehiya ng mga awtoridad ang pagbibigay ng pabuya upang mahikayat ang publiko na magbahagi ng impormasyon tungkol sa mga indibidwal na kanilang hinahanap.

Gayunman, iginiit niyang mas makabubuti kung kusang haharap si Dela Rosa sa mga kinakaharap nitong usapin.

Binigyang-diin ni Gonzales na ang nararapat na lugar upang linawin ang mga alegasyon laban sa isang indibidwal ay ang korte.

Dahil ang ICC ang naghahain ng kaso laban kay Dela Rosa, aniya, nararapat lamang na harapin ito ng senador sa naturang hukuman upang mabigyang-linaw ang mga isyung nakapalibot sa kaso.