Dagupan City – Inaasahang iuuwi sa Barangay Catablan, Urdaneta City, Pangasinan sa Biyernes, Oktubre 30, ang mga labi ni Captain Raymart F. Cabangcala, isa sa apat na piloto ng Philippine Air Force na nasawi sa pagbagsak ng dalawang training aircraft sa Lipa City, Batangas.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng pamilya ni Cabangcala sa Facebook, nakaburol ang mga labi ng piloto sa Villamor Airbase Mortuary hanggang Oktubre 29 bago ito ihatid sa kanilang tahanan sa Urdaneta City kinabukasan.
Wala pang inilalabas na detalye ang pamilya hinggil sa petsa at oras ng kanyang libing.
Matatandaang nasawi si Cabangcala at tatlo pang piloto matapos bumagsak ang dalawang SF-260 training aircraft sa loob ng perimeter ng Fernando Air Base sa Lipa City dakong alas-3:51 ng hapon noong Biyernes, Oktubre 23, habang nagsasagawa ng training flight.
Ayon sa impormasyong iniulat ng Agence France-Presse, nagkaroon umano ng banggaan sa ere ang dalawang eroplano bago bumagsak. Gayunman, patuloy pang iniimbestigahan ng Philippine Air Force ang sanhi ng insidente.
Pansamantala ring sinuspinde ang operasyon ng lahat ng SF-260 aircraft habang isinasagawa ang pagsusuri upang matiyak ang kaligtasan ng mga sasakyang panghimpapawid.










