Dagupan City – Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa publiko na maging mas maingat sa panahon ng mga localized thunderstorm na dulot ng habagat dahil sa posibilidad ng pagtama ng kidlat sa kalupaan, lalo na sa mga bukas na lugar at matataas na estruktura.
Ayon kay Engr. Jose Estrada Jr., mas mataas ang panganib ng pagtama ng kidlat sa mga malalaking puno, matataas na lugar, at iba pang matataas na bagay habang may thunderstorm.
Dahil dito, pinayuhan niya ang publiko na iwasang sumilong sa ilalim ng malalaking puno at umiwas sa mga bukas na espasyong may mataas na elevation kapag may pagkulog at pagkidlat.
Ito ay matapos may tinamaan nang kidlat sa parte ng alcala noong ikatlong linggo ng hunyo.
Ipinaliwanag din ni Estrada na kung walang agarang masisilungan at nasa labas ng bahay, mas makabubuting yumuko o mag-squat upang mabawasan ang posibilidad na tamaan ng kidlat, sa halip na manatiling nakatayo sa open area.
Nagbabala rin siya laban sa pagdadala o paggamit ng mga gadget gaya ng cellphone at mga makikintab na metal na bagay habang nasa labas sa kasagsagan ng thunderstorm, dahil maaari itong magdulot ng karagdagang panganib.
Ayon pa sa eksperto, maaari pa ring magkaroon ng pagkidlat kahit hindi pa nagsisimula ang ulan, dahil nauuna ang pagbuo ng thunderstorm bago ang malakas na buhos ng ulan.
Aniya, ang pagkidlat at pagkulog ay bahagi ng prosesong nagdudulot ng pagbuo ng ulap at pag-ulan.
Samantala, muling ipinaalala ng mga awtoridad ang ilang hakbang sa kaligtasan sa oras ng pagkulog at pagkidlat.
Kabilang dito ang pag-iwas sa paggamit ng mga de-kuryenteng kagamitan at anumang bagay na maaaring daluyan ng kuryente, paglayo sa mga kawad ng kuryente, at agad na pagsilong sa matibay na bahay o gusali kung nasa labas.
Pinayuhan din ang publiko na huwag sumakay sa mga sasakyang walang bubong, umiwas sa mga basang lugar at katubigan, at lumayo sa matataas na bagay tulad ng mga puno at poste sa malalawak na lugar upang mabawasan ang panganib ng tama ng kidlat habang nagpapatuloy ang epekto ng habagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.










