Dagupan City – Patuloy na pinaiigting ng Dagupan City National High School ang pagpapatupad ng mga safety at security measures upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani sa loob ng paaralan.
Ayon kay Dr. Willy Guieb, principal ng paaralan, mahigit tatlong taon nang ipinatutupad ang kanilang safety protocols na binuo at inaprubahan ng School Governance Council.
Kabilang dito ang drop-and-go policy kung saan mahigpit na sinusuri ang lahat ng sasakyang pumapasok sa paaralan.
Tanging mga sasakyang may kaukulang car pass lamang ang pinapayagang makapasok sa loob ng campus habang ang mga walang permit ay hanggang sa itinalagang drop-and-go area lamang. Layunin nito na masubaybayan ang mga pumapasok na sasakyan at matiyak ang seguridad ng komunidad ng paaralan.
Bukod dito, gumagamit din ang paaralan ng mga metal scanner at metal detector para sa mga mag-aaral sa junior at senior high school.
Nadagdagan din ang bilang ng mga personnel na nakatalaga sa seguridad upang higit pang mapalakas ang pagbabantay sa loob ng campus.
Sinabi ni Guieb na lalo pang hinigpitan ang pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad kasunod ng mga insidenteng naitala sa ibang lugar.
Aniya, wala pang naitatalang malalaking insidente sa kanilang paaralan dahil sa maayos at tuloy-tuloy na pagpapatupad ng kanilang mga programa sa seguridad.
Kamakailan ay muling nagsagawa ng pagpupulong ang School Governance Council upang repasuhin at amyendahan ang ilang bahagi ng kanilang safety protocols.
Nakatulong din ang mabilis na koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Belen Fernandez na naglaan ng police visibility sa paligid ng paaralan sa pamamagitan ng mga tauhan ng Public Order and Safety Office at kapulisan.
Kabilang sa mga ipinagbabawal sa loob ng paaralan ang pagdadala ng vape, brass knuckles, patalim at iba pang bagay na maaaring makapinsala sa kapwa.
Ayon kay Guieb, may mga pagkakataong nakapagsamsam ang mga security personnel ng mga ipinagbabawal na kagamitan, patunay na epektibo ang kanilang mga hakbang sa seguridad.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng disiplina hindi lamang sa loob ng paaralan kundi maging sa tahanan.
Aniya, mahalaga ang pakikipagtulungan ng mga magulang upang mapanatili ang ligtas at maayos na kapaligiran para sa pag-aaral ng mga kabataan.
Tiniyak naman ng pamunuan ng Dagupan City National High School na patuloy nilang gagawin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang masiguro ang kaligtasan, seguridad, at maayos na pagkatuto ng bawat mag-aaral.










