Dagupan City – Isinagawa ang ceremonial signing ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Commission on Elections (COMELEC) Dagupan at Nepo Mall Dagupan para sa kauna-unahang mall voting sa Pangasinan at posibleng sa buong Rehiyon 1.
Idinaos ang makasaysayang kasunduan sa Atrium ng Mall Dagupan bilang bahagi ng paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Nobyembre 2, 2026.
Sa ilalim ng programa, magsisilbing opisyal na voting center ang Mall para sa piling mga botante mula sa Barangay Pantal.
Ayon kay Atty. Michael Franks Sarmiento, Election Officer IV COMELEC Dagupan, nasa 1,094 rehistradong botante ang kabilang sa pilot implementation ng mall voting.
Napili ang mga botanteng ito mula sa mga presintong malapit sa Nepo Mall upang mabawasan ang pagsisiksikan sa mga tradisyunal na voting centers, kabilang ang Sarra Elementary School.
Batay sa datos ng COMELEC Dagupan, umabot na sa 144,657 ang kabuuang rehistradong botante sa lungsod matapos ang huling voter registration, habang mahigit 55,000 naman ang rehistradong botante para sa Sangguniang Kabataan elections.
Ipinahayag naman ni Atty. Marino V. Salas, Provincial Election Officer IV, Pangasinan na mahigpit na sinusunod ang mga kinakailangang pamantayan para sa pagpapatupad ng mall voting.
Nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa Philippine National Police at iba pang kaugnay na tanggapan upang matiyak ang seguridad at kaayusan sa araw ng halalan.
Samantala, nagpahayag ng buong suporta ang pamunuan na si Walurich Dacanay ng Mall Dagupan sa proyekto.
Ayon sa mall management, malaking karangalan para sa kanilang establisimyento na maging bahagi ng isang makasaysayang hakbang upang gawing mas accessible, komportable, at inklusibo ang proseso ng pagboto para sa mga mamamayan.
Inaasahan ng COMELEC na magiging matagumpay ang pilot implementation ng mall voting sa Dagupan City at magsisilbing modelo ito para sa mga susunod pang halalan sa lalawigan at iba pang bahagi ng Rehiyon 1.










