Dagupan City – Naaresto ang dalawang lalaki matapos makumpiska ng Dagupan City Police Office (DCPO) ang humigit-kumulang P210,800.00 halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation na isinagawa sa Barangay Bonuan Binloc.
Pinangunahan ang operasyon ng magkasanib na pwersa ng mga tauhan ng Police Station 6 at ilang unit ng kapulisan katuwang ang kooperasyon ng PDEA RO1.
Naganap ang operasyon mga 1:15 ng umaga, kung saan kinilala ang mga suspek na isang 40-anyos at 27-anyos na lalaki, kapwa helper at residente ng Barangay Bonuan Boquig.
Nasamsam mula sa mga suspek ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 31 gramo, pati na rin ang marked at boodle money na ginamit sa operasyon.
Sa Kasalukuyan, nakakulong ang dalawang naaresto sa DCPO Custodial Facility habang inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Artikulo II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Binigyang-diin din ng pulisya na patuloy silang nakatutok sa paglaban sa ilegal na droga at hinihikayat nila ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad para pigilan ang pagkalat ng mga ipinagbabawal na gamot sa lungsod.










