Dagupan City – Arestado ang dalawang indibidwal na kapwa wanted sa kasong grave slander matapos isilbi ng mga tauhan ng pulisya ang warrant of arrest laban sa kanila noong Mayo 27, 2026 sa Brgy. Capantolan sa Sual.
Pinangunahan ng mga tauhan ng Sual Police Station katuwang ang PNP Maritime Bolinao MLET ang operasyon laban sa mga akusado.
Kinilala ang unang naaresto bilang isang 48-anyos na babae, may asawa, guro, at residente ng naturang barangay. Samantala, naaresto rin ang isang 50-anyos na lalaki, binata, at nagtatrabaho bilang bookkeeper na residente rin ng Brgy. Capantolan.
Batay sa ulat, inaresto ang dalawang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Municipal Circuit Trial Court, First Judicial Region, Labrador-Sual, Pangasinan noong Mayo 26, 2026 kaugnay sa magkahiwalay na kasong grave slander. Kapwa may inirekomendang piyansa na nagkakahalaga ng P10,000 ang bawat kaso para sa pansamantalang kalayaan ng mga akusado.
Matapos ang pag-aresto, agad na dinala ang dalawang wanted person sa kustodiya ng Sual Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.










