Dagupan City – Arestado ang isang 42-anyos na lalaki matapos matagumpay na magsagawa ng buy-bust operation ang Urbiztondo Police Station dakong alas-3:40 ng hapon noong Mayo 23, 2026 sa bayan ng Urbiztondo.
Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng pamumuno ni PMaj. Fernan L. Rivera na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek na residente rin ng nasabing bayan.
Batay sa imbestigasyon, nahuli ang suspek matapos nitong bentahan ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang isang poseur-buyer kapalit ng marked money na nagkakahalaga ng limang daang piso.
Matapos ang transaksyon ay agad isinailalim sa body search ang suspek kung saan nadiskubre pa ang tatlo pang sachet ng hinihinalang ilegal na droga.
Tinatayang may kabuuang timbang na humigit-kumulang dalawang gramo ang mga nakumpiskang hinihinalang shabu na may standard drug price na nagkakahalaga ng P13,600.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article II, Sections 5 at 11 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy namang pinaigting ng Urbiztondo Police Station ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga bilang bahagi ng pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang nasasakupan.










