Naaprubahan na sa Sangguniang Panglungsod ng Daghupan ang ordinansa na naglalayong ipahinto ang operasyon ng mga pisonet sa lungsod ng Dagupan.
Ayon kay City Councilor Atty. Joey Tamayo, Chairman ng Committee on Laws and Ordinances ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan, sa oras na ito ay naipublish ay ipapatupad na ito sa lalong madaling panahon.
Hinikayat naman ni Tamayo ang mga barangay official na bawiin na kung sakaling nakapag issue ng barangay permit sa mga pisonet owner.
Layunin ng panukala na tugunan ang lumalalang epekto ng labis na paggamit ng pisonet sa mga kabataan, partikular sa kanilang pag-aaral.
Sinabi ni Tamayo na batay sa mga naging pagdinig at konsultasyon, napag-alamang isa sa mga dahilan kung bakit may mga estudyanteng paulit-ulit na bumabagsak o nagiging repeater ay ang labis na paggugol ng oras sa mga pisonet sa halip na pumasok sa paaralan at mag-aral.
Aniya, may mga pagkakataong mas pinipili ng ilang mag-aaral na manatili sa mga pisonet upang maglaro ng online games kaysa dumalo sa kanilang mga klase, na nagiging dahilan ng mababang akademikong pagganap at pagliban sa eskwela.
Binigyang-diin pa ng konsehal na mahalagang maprotektahan ang kapakanan at kinabukasan ng mga kabataan sa pamamagitan ng mga polisiya na makatutulong upang maituon nila ang kanilang oras sa pag-aaral at iba pang makabuluhang gawain.
Inaasahang magsisilbing hakbang ang ordinansa upang mabawasan ang bilang ng mga mag-aaral na naaapektuhan ng labis na paggamit ng pisonet at mapalakas ang disiplina sa pag-aaral ng mga kabataan sa ciudad.
Samantala, hinimok ni Tamayo ang mga pisonet owners na i convert na lamang ang kanilang negosyo sa barangay learning centers na ang layunin ay para lang sa research.










