Dagupan City – Nagbigay ng paalala ang Commission on Elections sa mga nagnanais tumakbo sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE 2026 kaugnay ng mga kinakailangang dokumento sa paghahain ng Certificate of Candidacy o COC.

Ayon kay Estrella Cave, kabilang sa bagong requirement para sa mga kandidatong tatakbo sa Sangguniang Kabataan ay ang pagsusumite ng birth certificate bilang attachment sa kanilang COC.

Ipinaliwanag nito na bagama’t wala pang opisyal na filing ng COC sa kasalukuyan, pinapayuhan na ang mga interesadong kandidato na ihanda na ang kanilang mga dokumento, lalo na ang mga kabataang nagnanais tumakbo sa SK.

--Ads--

Sinabi rin nito na magkakaroon ng hiwalay na forms para sa mga tatakbong barangay captain, barangay kagawad, SK chairman at SK councilors, habang ang iba pang requirements ay ilalabas at ipo-post ng COMELEC sa mga susunod na araw bilang paghahanda sa halalan.

Nilinaw din ni Cave ang age qualification para sa mga tatakbo sa Sangguniang Kabataan. Aniya, kinakailangang 18 taong gulang ang isang kandidato sa araw o bago sumapit ang araw ng eleksyon sa Nobyembre 2 upang maging kwalipikado sa pagtakbo.

Bagama’t maaaring bumoto ang mga 15-anyos sa SK elections, hindi pa umano sila maaaring kumandidato dahil kinakailangan na legal age o 18 taong gulang pataas ang isang tatakbo.

Hinimok din nito ang mga botante na pumili ng mga kandidatong may integridad at tunay na layuning maglingkod sa barangay at komunidad.

Samantala, pinayuhan din ng COMELEC ang publiko na beripikahin ang kanilang voter status bago ang halalan upang matiyak na aktibo pa ang kanilang rehistro. Maaari umanong magtungo ang mga botante sa tanggapan ng COMELEC Binmaley upang alamin kung aktibo pa ang kanilang pangalan sa database.

Ayon pa rito, may ilang botante ang nade-deactivate dahil sa hindi pagboto sa magkasunod na eleksyon o kaya naman ay nagkaroon ng problema sa kanilang rehistro sa ibang lugar kaya mahalagang maagang ma-verify ang kanilang status bago sumapit ang eleksyon.