Dagupan City – Isinulong ng Region 1 Medical Center sa Dagupan City ang libreng cervical cancer education at screening ngayong buwan ng Mayo bilang bahagi ng kampanya sa preventive healthcare.
Ipinaliwanag ng mga eksperto na ang cervical cancer ay isa sa mga pangunahing uri ng cancer sa kababaihan at kadalasang nade-detect na lamang sa huling yugto kung kailan mahirap na ang gamutan.
Dahil dito, binigyang-diin ang kahalagahan ng regular na screening tulad ng Pap smear at HPV testing upang maagang matukoy ang mga abnormal na selula.
Libre ring ibinibigay ng ospital ang konsultasyon, edukasyon, at follow-up care para sa mga pasyenteng magpopositibo sa screening.
Kasama rin sa programa ang HPV vaccination para sa mga batang babae upang maiwasan ang impeksyong sanhi ng sakit.










