Dagupan City – Pinalakas ng Central Pangasinan Electric Cooperative o Cenpelco ang suplay ng kuryente sa bayan ng Sual matapos nitong buksan ang bagong 20-MVA (megavolt-amperes) substation sa Poblacion.

Pinondohan ang proyekto sa ilalim ng electrification fund na nagmumula sa operasyon ng Sual Power Plant at suportado rin ng Department of Energy.

Ayon sa National Electrification Administration (NEA), inaasahang makakatulong ang bagong pasilidad sa pagpapasigla ng ekonomiya at pagpapabuti ng serbisyo ng kuryente sa lugar.

--Ads--

Ipinaliwanag ng pamunuan ng CENPELCO na dati ay nakadepende lamang ang Sual sa Labrador substation kaya tuwing may maintenance o aberya sa linya, buong bayan ang naaapektuhan ng brownout.

Sa pamamagitan ng bagong substation, magiging mas matatag at mas maaasahan na umano ang distribusyon ng elektrisidad sa bayan.

Plano rin ng CENPELCO na magtayo pa ng mga substations sa mga bayan ng Basista at Aguilar na wala pang sariling pasilidad sa ngayon.

Nagsimula ang konstruksyon noong Mayo 2025 ngunit naantala dahil sa sunod-sunod na bagyo at malalakas na ulan noong nakaraang taon bago tuluyang nakumpleto nitong Abril 2026.