Dagupan City – Tiniyak ng Central Pangasinan Electric Cooperative, Inc. (CENPELCO) ang pagpapanatili ng matatag na suplay ng kuryente hanggang Disyembre, sa kabila ng mga hamong dulot ng El Niño at posibleng pagtaas ng pangangailangan sa kuryente.

Ayon kay Engr. Rodrigo Corpuz, General Manager ng CENPELCO, nagpapatuloy ang kanilang paghahanda kabilang ang pag-upgrade ng mga kagamitan at paggamit ng scanning devices upang matukoy ang mga posibleng tagas o pagkawala ng kuryente na hindi agad nakikita sa karaniwang inspeksyon.

Nagsasagawa rin sila ng nakatakdang power supply management upang matugunan ang pangangailangan ng mga planta at konsumer.

Samantala, nilinaw ni Corpuz na ang palugit sa pagbabayad ng mga bayarin sa kuryente ay nananatiling ipinatutupad.

Ang mga hindi pa nababayarang bill para sa Mayo, Hunyo at Hulyo ay kailangang mabayaran hanggang Nobyembre 26, 2026, habang ang mga bill naman para Agosto, Setyembre at Oktubre ay may palugit hanggang Disyembre 26, 2026.

Gayunman, maaari pa ring magbayad ang mga konsumer bago ang itinakdang deadline kung mayroon na silang sapat na kakayahang pinansyal.

Dagdag pa niya, bagama’t may epekto ang pagtaas ng presyo ng krudo sa operasyon ng mga planta, inaasahan nilang hindi magiging malaki ang magiging paggalaw sa singil sa kuryente.

Gayunman, maaari pa rin itong magbago depende sa pangangailangan ng mga planta, lalo na kung tataas ang konsumo dahil sa mainit na panahon.