Dagupan City – Naging pangkalahatang mapayapa ang paggunita ng Undas 2026 sa bayan ng Binmaley, kung saan walang naitalang krimen o seryosong insidente sa kabila ng pagdagsa ng mga residente at bisita sa mga sementeryo at iba pang lugar.
Ayon kay PLtCol. Lister A. Saygo, naging maayos ang sitwasyon ng seguridad sa bayan, kabilang ang mga lugar na binabantayan tulad ng mga sementeryo at Baywalk.
May ilang naitalang pagsisikip ng trapiko dahil sa mga sasakyang pansamantalang pumarada sa gilid ng kalsada, ngunit agad din itong naaksyunan.
Mas marami umano ang dumalaw ngayong taon kumpara noong nakaraang Undas dahil naging maganda ang panahon, bagama’t nagkaroon ng kaunting pag-ulan. Noong nakaraang taon, mas malakas ang pag-ulan na nakaapekto sa pagdagsa ng mga tao at sasakyan.
Sa kabila nito, nanatiling maayos ang peace and order sa Binmaley, kapareho ng naging sitwasyon noong nakaraang taon.
Dahil hindi na gaanong marami ang dumadalaw, ibinalik na rin sa normal ang traffic scheme.
Gayunman, nakahanda ang kapulisan na magpatupad muli ng rerouting sakaling tumaas ang bilang ng mga sasakyan.
Patuloy naman ang deployment ng mga pulis ngayong Nobyembre 2, bagama’t pinahinga na ang ilang tauhan matapos ang kanilang duty.
May mga nakatalaga pa rin sa mga sementeryo at Baywalk, habang nagpapatuloy ang pagroronda sa mga residential area upang maiwasan ang pagnanakaw at iba pang krimen.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Saygo ang publiko na bantayan ang mga bata habang nasa sementeryo at Baywalk, at huwag basta magtiwala sa mga hindi kakilala.
Hinikayat din ang mga residente na tiyaking nakasara at nakakandado ang kanilang mga tahanan bago umalis.
Pinayuhan din ang publiko na patayin o tanggalin sa saksakan ang mga hindi kailangang electrical appliances at tiyaking walang naiwang bukas na ilaw o kagamitang maaaring magdulot ng panganib.
Patuloy rin ang inspeksiyon ng mga pulis at barangay personnel upang matiyak na nasusunod ang mga alituntunin, kabilang ang pagbabawal sa ilang bagay sa loob ng mga sementeryo.
Pinayuhan din ang mga dumadalaw na magdala ng pananggalang sa init ng araw habang nagpapatuloy ang kanilang pagbisita.










