Pito ang sugatan sa shooting incident na naganap madaling araw ng Linggo, Nobyembre 2, oras sa Pilipinas, malapit sa campus ng Indiana University sa Bloomington, Indiana, USA.
Ayon kay Isidro Madamba, Bombo International News Correspondent, apat na lalaki at tatlong babae na may edad 17 hanggang 27 ang nasugatan sa insidente na nangyari habang babaeng edad 19 naman ang nasawi kasabay ng Halloween party at trick or treat celebration sa lugar, gayundin ng homecoming weekend ng unibersidad.
Kinilala ang suspek na si Kenneth Scott III, 21-anyos, na mayroon umanong mga pending na kaso kaugnay sa mga armas at nasa kustodiya na ng pulisya sa Bloomington. Ayon sa ulat, nahuli ang suspek na walang sugat.
Hindi pa kumpirmado kung kabilang sa mga nasugatan ang mga estudyante ng unibersidad.
Kaugnay nito, iginiit ni Madamba na patuloy na problema sa Estados Unidos ang gun violence. Ngayong 2026 lamang, hanggang Setyembre, umabot na sa halos 350 shooting incidents ang naitala sa bansa, na may 361 nasawi at mahigit 1,500 sugatan. Kabilang pa sa mga naitala nitong weekend ang insidente sa Dallas, Texas na may isang nasawi at 15 sugatan.
Ayon kay Madamba, itinuturing na mass shooting ang insidente kung may apat o higit pang biktima. Aniya, may mga bagong alituntunin at amyenda sa Second Amendment o right to bear arms sa US, partikular sa edad ng maaaring bigyan ng permit to carry, background check at uri ng baril na pinahihintulutan — kung automatic, semi-automatic o handguns.
Nagpaalala si Madamba sa Filipino community sa US, lalo na sa mga lugar na may naitatalang shooting incidents, na maging maingat.










