Dagupan City – Wala ng buhay nang matagpuan ang isang 24-anyos na fish cage caretaker sa bayan ng Lingayen, Pangasinan.

Nadiskubre ang bangkay pasado alas-siyete ng umaga sa bahagi ng Brgy. Balococ, Lingayen.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, huli umanong nakitang buhay ang biktima noong Huwebes ng gabi matapos itong makipag-inuman sa kapwa fish cage caretaker.

--Ads--

Sa gitna ng inuman, nagpaalam umano ang biktima na magpapahinga sa kabilang kubo dahil mas presko ang lugar.

Ilang sandali pa ay may narinig umanong malakas na tunog ang kanyang mga kasama na hinihinalang may nahulog sa tubig, ngunit hindi na ito agad nabigyan ng pansin.

Kinabukasan, napansin na lamang na nawawala ang biktima kaya nagsagawa ng paghahanap ang kanyang mga kasama.

Makalipas ang dalawang araw, natagpuan ang kanyang bangkay na palutang-lutang sa di-kalayuang lugar mula sa pinangyarihan ng insidente.

Pinaniniwalaang nalunod ang biktima, habang patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari.