Tinitiyak ng National Food Authority (NFA) Pangasinan Branch Office na mananatiling sapat at matatag ang supply ng bigas sa buong lalawigan sa kabila ng pagbaba ng buffer stock nito sa kasalukuyan, kasabay ng patuloy na pagbebenta ng murang bigas na P20 bawat kilo sa mga kwalipikadong sektor.
Sa naging panayam kay Frederick B. Dulay, Branch Manager ng NFA Pangasinan, mayroon ngayong kabuuang mahigit 300,000 bags ng palay at mahigit 60,000 bags ng bigas na nakatabi sa kanilang mga bodega.
Ayon kay Dulay, bagamat ang ideal buffer stock na dapat nakatabi sa bodega ay para sa 15 araw, nasa 11 araw na lamang ang kasalukuyang days-to-last ng NFA stocks sa lalawigan.
Paliwanag ng opisyal, hindi ito nangangahulugang mawawalan ng bigas ang Pangasinan sapagkat bukod sa NFA ay may sapat na commercial at household stocks din sa merkado.
Inihayag pa ng branch manager na ang pangunahing dahilan ng pagbaba ng stock ay ang patuloy na pag-dispose o paglabas ng mga lumang stock upang magkaroon ng lugar at badyet sa pagbili ng mga bagong aning palay mula sa mga lokal na magsasaka.
Kabilang din sa mga pinaglalaanan ng supply ang pagpapadala ng bigas sa National Capital Region (NCR) sa ilalim ng kanilang dispersal operations.
Dahil walang sariling sakahan ang Metro Manila, may commitment ang NFA Pangasinan na magpadala ng 120,000 bags ng bigas sa NCR ngayong taong 2026 batay sa kanilang marketing plan.
Samantala, patuloy rin ang pakikipagtulungan ng NFA sa Food Terminal Incorporated (FTI) para sa pagbebenta ng P20 bawat kilo ng bigas.
Umabot na sa humigit-kumulang 3,000 bags ng bigas ang naibebenta sa FTI ngayong buwan para sa mga marginalized sectors tulad ng mga senior citizen, PWD, solo parent, jeepney driver, at tricycle driver.
Matatagpuan ang pangunahing redemption site para sa P20 bigas sa NFA Rosales Warehouse.
Bukod dito, may mga local government unit (LGU) din na direktang kumukuha ng supply sa NFA upang maipamahagi at maibenta sa kanilang mga nasasakupan.
Samantala, Muling nanawagan si Dulay sa publiko na huwag mag-alala dahil nakahanda ang NFA sa anumang pangangailangan ng lalawigan sakaling magkaroon ng kalamidad o maranasan ang epekto ng El Niño, sa tulong ng tuluy-tuloy na pagbili ng palay sa mga lokal na magsasaka.








