Tiniyak ni Barangay Captain Gregorio Claveria Jr. ng Barangay Caranglaan sa Dagupan City ang pagpapatuloy ng mga programa at serbisyong nakatuon sa kapakanan ng mga residente kasunod ng pagpapalawig sa termino ng mga opisyal ng barangay.

Ayon kay Claveria, agad silang nakipag-ugnayan sa mga miyembro ng barangay council at mga pamilya sa kanilang nasasakupan nang malaman ang tungkol sa extension ng kanilang termino upang maipagpatuloy ang mga serbisyong kinakailangan ng komunidad.

Binigyang-diin ng kapitan na marami pa silang kailangang gawin upang higit na maipakita ang kanilang aktibong paglilingkod sa publiko, lalo na sa natitirang panahon ng kanilang panunungkulan.

Kabilang naman sa mga karaniwang suliraning kanilang hinaharap sa barangay ang mga alitan sa pagitan ng mag-asawa, hindi pagkakaunawaan ng magkakapitbahay, mga usapin sa lupa, at mga problema sa pagkakautang.

Bukod dito, patuloy ding tinututukan ng pamunuan ng barangay ang tamang pagtatapon ng basura at pagpapatupad ng mga ordinansa upang mapanatili ang kalinisan, kaayusan, at disiplina sa kanilang lugar.

Ayon kay Claveria, bahagi ng kanilang mandato ang matiyak na magiging maayos at maaasahan ang pamamahala sa barangay sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga umiiral na alituntunin at pagbibigay ng kinakailangang serbisyo sa mga residente.

Sa kabila ng mga hamon, layunin ng pamunuan ng Barangay Caranglaan na ipagpatuloy ang paglilingkod at tugunan ang mga pangangailangan ng kanilang nasasakupan sa panahon ng kanilang pinalawig na termino.