Ilan sa mga pangunahing salik na maaaring magdulot ng fishkill sa mga palaisdaan ang kakulangan sa dissolved oxygen at pagkasira ng kalidad ng tubig.
Ayon kay Julius Benagua, technical spokesperson ng Samahang Magbabangus sa Pangasinan (SaMaPa), ipinaliwanag niya ang pagkakaiba ng mass mortality at fishkill, gayundin ang mga posibleng dahilan ng pagkamatay ng mga isda at ang mga hakbang na maaaring gawin upang maiwasan ang pagkalugi ng mga fish farmer at iba pang namumuhunan sa aquaculture.
Ayon kay Benagua, ang mass mortality ay tumutukoy sa maramihang pagkamatay ng mga isda sa isang takdang panahon, anuman ang sanhi nito. Maaari itong maiugnay sa paglaganap ng sakit, impeksiyong viral, pagtagas ng mga kemikal sa tubig, at iba pang salik.
Samantala, ang fishkill ay isang uri ng mass mortality na partikular na iniuugnay sa matinding pagbaba ng oxygen sa tubig. Kapag hindi na sapat ang dissolved oxygen para sa pangangailangan ng mga isda, maaari silang mahirapang huminga, umahon sa ibabaw ng tubig upang humanap ng hangin, at tuluyang mamatay.
Ipinaliwanag din niya na kabilang sa mga posibleng sanhi ng fishkill ang pag-iipon ng putik, dumi ng mga isda, sobrang pakain at iba pang organikong materyal sa ilalim ng mga palaisdaan at daluyan ng tubig.
Kapag nagbago ang kondisyon ng panahon, gaya ng matinding init na sinusundan ng biglaang pag-ulan sa gabi, maaaring magbago ang temperatura at iba pang parameter ng tubig.
Maaari ring umangat o maghalo ang tubig mula sa iba’t ibang lalim, na posibleng magpakawala ng mga gas at materyales mula sa ilalim.
Sa ganitong sitwasyon, maaaring tumaas ang konsumo ng oxygen habang nabubulok ang naipong organikong materyal at nagaganap ang iba pang prosesong kemikal sa tubig. Kapag bumaba nang husto ang oxygen, nai-stress ang mga isda at tumataas ang panganib ng fishkill.
Dagdag pa niya, ang biglaang pagbabago ng temperatura at pH ng tubig ay maaari ring magdulot ng stress sa mga isda at magpalala sa epekto ng mahinang kalidad ng tubig.
Bukod sa kondisyon ng tubig, binigyang-diin din ni Benagua ang panganib ng overstocking o paglalagay ng mas maraming isda kaysa sa kayang suportahan ng isang lugar.
Aniya, mahalagang isaalang-alang ang carrying capacity o kakayahan ng kapaligiran na suportahan ang dami ng isdang inaalagaan. Kapag lumampas dito ang bilang ng mga isda, mas tumataas ang pangangailangan sa oxygen at ang dami ng basurang naiipon sa tubig.










