Ipinahayag ni Commission on Elections Dagupan City Officer, Atty. Franks Sarmiento ang kahandan ng kanilang tanggapan sa posibleng maging bagong petsya ng Barangay and Sanguniang Kabataan Elections 2026.
Nilinaw ni Atty. Sarmiento na 100 porsyento umanong hindi na matutuloy ang eleksyon nitong ika-2 ng Nobyembre kasunod ng inilabas na batas sa pagpapaliban ng nasabing halalan sa kabila ng petisyong inihain laban dito.
Gayunman, patuloy ang paghahanda ng kanilang tanggapan kung sakaling maglabas ng desisyon ang korte suprema sa itatalagang bagong petsya para sa eleksyon.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Atty. Sarmiento ang pagpapatuloy ng voter registration sa kanilang tanggapan sa darating na Nobyembre ng kasalukuyang taon kasabay ng paglilinaw hinggil sa awtomatikong pagiging rehistrado ng mga botante oras na makapagparehistro sa edad na 15 taong gulang pataas.
Magiging puspusan din umano ang pagsasagawa ng satelite registration na gaganapin sa lahat ng barangay at sekondaryong paaralan ng parehong pampubliko at pampribadong sektor sa lungsod.
Tiniyak naman ni Atty. Sarmiento na makakaasa ang publiko sa tiyak at mabilis na impormasyon mula sa kanilang ahensya oras na magbaba ng resolusyon ang korte suprema laban sa petisyon sa pagpapaliban ng BSKE at kung sakaling makapagtakda ng bagong petsya ng halalan.










