Nagpahayag ng babala ang IBON Foundation sa patuloy na paglala ng kagutuman at kakulangan ng suporta sa akrikultura sa mga nagdaang buwan ng kasalukuyang taon na maaaring makaapekto sa paghahanda at pagharap sa pagdating ng El Nino sa bansa.
Sa panayam kay Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, ibinahagi niya ang tuloy tuloy na kaso ng kagutuman sa milyon-milyong pamilyang Plipino at kakulangan sa sektor ng agrikultura kasama ng mga pangunahing problemang nakakaapekto sa mga nasabing isyu.
Ayon kay Africa, kulang umano ang pagtugon ng pamahalaan sa problema ng kagutuman sa bansa tulad ng mga panandaliang ayuda kung saan limitado lamang ang nakikinabang at nananatiling hindi sapat upang sabayan ang tuloy tuloy na pagtaas ng mga bilihin at gastusin ng mga pamilyang Pilipino.
Kaugnay nito, patuloy rin umano ang paghina sa produksyon ng mga pananim at isda sa sektor ng agrikultura bunsod ng kakulangan sa suportang naipapabot sa mga magsasaka sa kabila ng mga pangakong binitawan ng pamahalaan sa mga ito.
Dahil dito, hindi pa lamang dumarating ang El Nino ay lalo nang bumibigat ang pinapasang krisis ng mga mamamayan.
Samantala, nabanggit din ni Africa ang patungkol sa usaping sayang umano ang naganap na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte kung saan iginiit niyang hindi dapat ito ituring na sayang dahil ang nasabing proseso ay mahalagang alituntunin upang maging bahagi at maalam ang publiko sa galaw at sistemang umiiral sa loob ng gobyerno.
Nanawagan naman si Africa sa pamahalaan na ibsan at bigyan ng kaunting ginhawa ang milyon-milyong Pilipinong naghihirap sa mga nagdaan at sa mga darating pang buwan ng taon.
Dagdag pa niya para sa inaasahang paparating na halalan, na huwag gamitin ang mga espasyo sa pwesto ng gobyerno para sa pansariling interes sa politiko at gawing prayoridad ang kapakanan ng mga mamamayan at kaunlaran ng bansang pagsisilbihan.










