Iniulat ng Department of Energy (DOE) na inaasahang magkakaroon ng rollback sa presyo ng diesel at kerosene sa susunod na linggo, habang posibleng tumaas naman ang presyo ng gasolina.
Batay sa apat na araw na trading monitoring sa Mean of Platts Singapore, tinatayang bababa ng humigit-kumulang P9 kada litro ang diesel, at P12 kada litro naman sa kerosene.
Samantala, posibleng tumaas ng P1.60 hanggang P1.70 kada litro ang gasolina.
Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, unti-unti nang bumabalik sa normal market-based pricing ang langis matapos maapektuhan ng tensyon sa Gitnang Silangan na nagsimula noong Pebrero.
Aniya, ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ay kasalukuyang nasa humigit-kumulang $70 hanggang $95 kada bariles, na papalitan sa normal na presyo nitong $55 hanggang $65 kada bariles.
Iaanunsiyo naman ng mga kumpaniya ng langis ang opisyal na presyo ng mga produktong petrolyo sa Lunes at ipatutupad naman sa araw ng Martes.










