Emosyunal at labis na nagpapasalamat ang P-pop girl group na BINI matapos silang kilalanin ng Senado para sa kanilang makasaysayang pagganap sa international music festival na Coachella.
Lahat ng walong miyembro ng grupo ay dumalo sa Senado nitong Miyerkules kung saan inaprubahan ang Senate Resolution 370 sa ilalim ng sponsorship ni Senador Bam Aquino.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Aquino na ang tagumpay ng BINI ay patunay ng galing ng mga Pilipino sa pandaigdigang entablado.
Ilang senador, kabilang sina Joel Villanueva, Raffy Tulfo, Erwin Tulfo, Risa Hontiveros, Jinggoy Estrada, Loren Legarda, at Kiko Pangilinan, ang nagpahayag din ng suporta at pagkilala sa grupo.
Ayon sa mga miyembro ng BINI, hindi nila inasahan ang parangal at lubos silang na-overwhelm sa pagtanggap ng Senado.
Samantala, binigyang-diin ni Hontiveros ang papel ni Mikha sa pag-promote ng mental health at safe spaces, lalo na para sa kababaihan.
“Young women really do have a good role model in all of you,” ani Hontiveros.
Nagpasalamat din si Mikha sa pagkilala at sa pagbibigay pansin sa kapakanan ng mga artista.
Ipinahayag naman ng grupo ang kanilang panawagan na mas palawakin pa ang suporta sa mga Pilipinong artist at creatives, at bigyang mas maraming oportunidad ang OPM at lokal na talento sa global stage. // VIA Bombo John Florez










