Ipinaliwanag ng Department of Health–Center for Health Development Region 1 na ang chronic kidney disease o sakit sa bato ay isang pangmatagalang kondisyon kung saan unti-unting nasisira ang kakayahan ng mga bato na gumana nang maayos.

Ayon kay Dr. Rheul Bobis, bagama’t walang tiyak na datos para sa Region 1, tinatayang nasa 36% ng mga Pilipino ang may ganitong kondisyon batay sa datos noong 2022, at posibleng tumaas pa ito sa kasalukuyan.

Sinabi rin niya na ang sakit na ito ay maaaring humantong sa dialysis, na may malaking epekto sa gastusin at pamumuhay ng pasyente. Kaya naman binigyang-diin ang kahalagahan ng pag-iwas at maagang pagprotekta sa kalusugan ng bato.

--Ads--

Dagdag pa niya, pangunahing sanhi ng chronic kidney disease sa bansa ang diabetes at high blood pressure o altapresyon. Kapag hindi nakontrol ang blood sugar at blood pressure, maaari itong mauwi sa pagkasira ng bato. Mayroon ding ibang mas bihirang sanhi tulad ng ilang autoimmune diseases.

Karaniwan umanong walang malinaw na sintomas sa mga unang yugto ng sakit. Gayunman, ilan sa mga posibleng palatandaan ay mabulang ihi, pamamaga ng kamay at paa, panghihina ng katawan, at hirap sa paghinga.

Sa mga malalang kaso, lalo na sa stage 5, hindi na gumagana ang mga bato at kinakailangan na ang dialysis o transplant upang mabuhay. Kung hindi ito magagawa, maaaring ikamatay ng pasyente ang kondisyon.

Para makaiwas, inirerekomenda ang tamang pagkain, partikular ang pag-iwas sa mga pagkaing mataas sa sodium tulad ng processed at canned goods. Mahalaga rin ang regular na pag-inom ng maintenance medicine, pagpapatingin sa doktor, at maagang pagtuklas ng sakit.

Ayon pa kay Dr. Bobis, maaari pang maibalik sa normal ang kondisyon kung ito ay matutukoy sa maagang yugto sa pamamagitan ng pagbabago sa lifestyle at tamang pagkain. Ngunit sa mga huling yugto, hindi na ito tuluyang magagamot.