Iginiit ng kampo ni Vice President Sara Duterte na nagpakita umano ng kakulangan ng ebidensya ang naging presentasyon sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng mga alegasyon ng inciting to sedition at grave threats laban sa Bise Presidente.
Sa inilabas na pahayag ni Atty. Paul Lawrence Lim ng Chua Lim & Associates, Counsel ni Vice President Duterte sa NBI Complaint, sinabi nito na ang mga ebidensyang iniharap ay umano’y pinili, inedit, at kulang sa konteksto.
Ayon sa abogado, napalitan umano ng opinyon ang mga katotohanan at may mga konklusyong ibinatay lamang sa hinuha, na hindi aniya sapat upang makabuo ng probable cause o kahit prima facie case na may makatwirang tsansa ng pagkakahatol.
Dagdag pa niya, ang pagtatangkang iugnay ang Bise Presidente sa umano’y mga pahayag laban sa Pangulo ay nangangailangan umano ng “gigantic leap in logic” at paglabag sa mga basic evidentiary principles. Aniya, wala umanong direktang koneksyon ngunit ipinapahiwatig pa rin ang pagkakasala.
Sinabi rin ni Lim na ang mga pagdinig ay tila isang “fishing expedition” lamang na layong magbigay anyo sa umano’y depektibong mga reklamo ng impeachment.
Matapos ang mga pagdinig, iginiit ng kampo ng Bise Presidente na ang usapin ay dapat dinggin sa tamang hukuman, kung saan inaasahang mananaig ang ebidensya at igagalang ang umiiral na batas.










