TRANSPORT JEEP

DAGUPAN CITY—Isinagawa ng mga operatiba ng PNP Drug Enforcement Group–Special Operations Unit 1, sa pangunguna ni Police Capt. Roel C. Isit at sa ilalim ng superbisyon ni Police Lt. Col. Radino S. Belli, ang isang buy-bust operation sa Lungsod ng Dagupan katuwang ang Dagupan City Police Office, PDEA Pangasinan, IMEG Zone Field Unit at Regional Intelligence Unit 1.

Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto kay Jingjing Javier Nonog, alyas “Lupin Jeng,” na nakalista bilang high-value individual sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa paglabag sa Republic Act 9165.

Ayon kay Pat. Mark Anthony O. Francisco, agad naman nilang inaksyunan ang impormasyon at isinagawa ang masusing step-by-step process na nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto sa suspek.

--Ads--

Nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang 21 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱142,800 batay sa standard drug price.

Napag-alamang ibinibenta ang ilegal na droga sa loob ng Dagupan City at mga karatig-bayan sa Pangasinan, habang hindi isinapubliko ang eksaktong pinanggagalingan ng suplay dahil sa patuloy na operasyon at usapin ng seguridad.

Batay sa ulat ng pulisya, ito ang unang pagkakataon na nasangkot sa ilegal na droga ang nasabing suspek.

Naging mahalaga ang papel ng mga concerned citizen at confidential informants sa pagbibigay ng impormasyon na nagbunsod sa matagumpay na operasyon.

Sa kabila ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, inamin ng pulisya na may epekto ito sa kanilang operasyon, ngunit patuloy pa rin nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin bilang law enforcers para sa kapakanan ng publiko.

Nagpapatuloy ang monitoring at validation ng mga awtoridad laban sa mga personalidad na sangkot sa ilegal na droga sa lalawigan.

Nanawagan ang pulisya sa publiko na umiwas sa paggamit at pagbebenta ng ilegal na droga dahil sa masamang epekto nito sa kalusugan at buhay, at hinikayat ang mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak. Hinimok din ang mga sangkot na magbago habang may pagkakataon pa.