Nagpahayag ng pag-aalala ang National Confederation of Transportworkers Union (NCTU) kaugnay ng nakatakdang implementasyon ng service contracting program ng pamahalaan sa darating na Abril 15, na unang ipatutupad lamang sa National Capital Region (NCR).
Sa panayam kay Jaime Aguilar, Secretary General ng NCTU, sinabi niyang bagama’t nagpapasalamat sila sa hakbang ng gobyerno, nananatili pa rin ang matinding pagkadismaya dahil maliit na bahagi lamang ng sektor ang makikinabang dito.
Ayon sa kanya, maaaring hindi sapat ang kasalukuyang disenyo ng programa upang tugunan ang malawak na problema ng sektor ng pampublikong transportasyon, lalo na sa gitna ng tumataas na presyo ng krudo at patuloy na epekto ng inflation.
Giit ng NCTU, hindi sapat ang kasalukuyang hakbang at tinawag pa itong “band-aid solution” dahil hindi nito natutugunan ang pangmatagalang pangangailangan ng mga tsuper at operator.
Iminungkahi rin ng grupo ang mas malawak na fuel subsidy o fuel voucher na aabot umano sa ₱1,000 kada araw sa loob ng 60 hanggang 90 araw upang matulungan ang mga tsuper na makabawi sa patuloy na pagtaas ng gastos sa operasyon.
Ayon pa sa NCTU, malaking isyu rin ang kakulangan sa maayos na listahan at sistema sa pamamahagi ng ayuda, na nagiging sanhi ng pagkaantala at kalituhan sa mga benepisyaryo.
Ikinabahala rin ng grupo na sa NCR lamang muna ipatutupad ang programa, na para sa kanila ay hindi sapat dahil maraming probinsya ang lubos ding apektado ng krisis sa transportasyon.
Nanawagan ang grupo sa pamahalaan na ituring ang sitwasyon bilang isang krisis na nangangailangan ng agarang at mas malawak na aksyon, kabilang ang pagrepaso sa budget at posibleng emergency measures para sa sektor ng transportasyon.
Giit nila, mahalagang makabuo ng mas sustainable na “business model” para sa public transport tulad ng service contracting, na anila ay napatunayang epektibo sa ibang bansa kung maayos na ipatutupad at susuportahan ng lokal na pamahalaan.
Nagbabala rin ang grupo na kung hindi agad mapapalawak ang suporta, maaaring humantong ito sa mas matinding kakulangan sa pampublikong transportasyon sa mga susunod na linggo, lalo na sa mga rutang jeepney.










