DAGUPAN CITY—Nagiging laganap umano sa bansa ang overpricing o profiteering sa mga produktong petrolyo kasabay ng tumitinding tensyon sa Middle East, ayon kay Atty. Joey Tamayo, isang law expert, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan.

Ipinaliwanag ni Tamayo na ang profiteering, sa kontekstong ito, ay ang pagbebenta ng fuel sa presyong hindi abot-kaya ng mga mamimili at hindi rin itinatakda ng pamahalaan. Aniya, ang tanging ahensiya lamang na may kapangyarihang magpatupad ng pagtaas ng presyo ng langis ay ang Department of Energy (DOE).

Dagdag pa niya, ang mga mapapatunayang sangkot sa ganitong gawain ay maaaring matanggalan ng lisensiya sa pagbebenta ng fuel at tuluyang ipasara ang kanilang operasyon.

--Ads--

Binanggit din ni Tamayo na mahigpit na ipinagbabawal sa bansa ang hoarding o pagtatago ng suplay ng langis, na karaniwang ginagawa upang makontrol ang presyo nito. Ayon sa kanya, ang ganitong gawain ay may kaparusahan na pagkakakulong mula lima hanggang labinlimang taon o multang mula P5,000 hanggang P20,000, alinsunod sa Republic Act 7581.

Sa ilalim naman ng RA 7394, partikular sa Article 52, ipinagbabawal ang hindi makatao o hindi patas na pagtaas ng presyo at ang pananamantala sa pangangailangan ng mga mamimili sa pamamagitan ng labis na presyo, na saklaw ng Department of Trade.

Samantala, kasabay ng pagtaas ng presyo ng langis ay ang pagtaas din ng pamasahe. Ayon kay Tamayo, ang pamasahe sa mga pampublikong sasakyan ay karaniwang kinokontrol ng LTFRB, maliban sa tricycle na nasa ilalim ng Sangguniang Panlunsod at tanggapan ng alkalde.

Naitala rin ang pagtaas ng pamasahe sa mga pampublikong transportasyon tulad ng jeepney at bus, na umabot mula 14% hanggang 19% sa pagsisimula ng tensyon sa Middle East.

Sa huli, hinikayat ni Tamayo ang publiko na magsumite ng reklamo laban sa mga kumpanyang o indibidwal na sangkot sa ganitong ilegal na gawain sa pamamagitan ng pormal na liham na ipapadala sa mga kinauukulang ahensiya, sa halip na ipost lamang ito sa social media.