Nagbibigay ngayon ng inspirasyon ang 22-anyos na si Rolan Popatco Jr. matapos siyang makapasa sa March 2026 Medical Technologist Licensure Examination at maging kauna-unahang Aeta na lisensyadong medical technologist sa Pampanga.

Kinumpirma ito ng Provincial Social Welfare and Development Office kung saan ibinahagi ang kanyang natatanging tagumpay, na hindi lamang para sa kanyang sarili kundi para rin sa buong komunidad ng Aeta.

Si Rolan ay lumaki sa kabundukan at nagsumikap makapag-aral sa syudad.

--Ads--

Sa tulong ng iba’t ibang scholarship mula sa pamahalaan, natapos niya ang kursong Bachelor of Science in Medical Technology.

Bukod dito, nagsilbi rin siya bilang SK chairman habang ipinagpapatuloy ang kanyang pag-aaral.

Aminado si Rolan na dumaan siya sa mga pagsubok at muntik nang sumuko, ngunit naging inspirasyon niya ang kanyang komunidad upang magpatuloy.

Pangarap niyang maging doktor balang araw upang makapagbigay ng serbisyong medikal sa mga kapwa niya Aeta sa kabundukan.

Sa kasalukuyan, naghahanap siya ng scholarship upang maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa medisina.

Ayon kay Rolan, ang kanyang tagumpay ay alay hindi lamang sa kanyang pamilya kundi para rin sa kanyang komunidad, na nais niyang matulungan sa hinaharap. Via Bombo John Flores