Tuluyan nang ibinasura ng Sandiganbayan ang dalawang magkahiwalay na kaso ng pamahalaan na naghahabol sa umano’y ill-gotten wealth at coco levy funds ng pamilya Marcos at Romualdez, matapos idahilan ng korte ang labis na pagkaantala ng paglilitis at mga isyung teknikal.

Sa inilabas na resolusyon ng Second Division ng anti-graft court, pinaboran nito sina dating Pangulong Ferdinand Marcos, dating Unang Ginang Imelda Marcos, at Juan Ponce Enrile sa 1987 civil case.

Ibinasura ito bunsod ng inordinate delay, kung saan binigyang-diin ng korte na ang halos 40 taong pagdinig ay direktang lumabag sa karapatan ng mga akusado sa mabilis na paglilitis.

--Ads--

Ibinasura rin ang apela ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na muling buksan ang kaso.

Kinatigan ng mga mahistrado ang argumento ng depensa na nakompromiso na ang kanilang kakayahang magtanggol dahil sa pagkawala ng mga ebidensya at pagpanaw ng ilang saksi sa paglipas ng panahon.

Gayunpaman, nilinaw ng korte na tuloy ang pagdinig para sa iba pang natitirang akusado.

Samantala, sa isang hiwalay na desisyon ng Sixth Division, ibinasura rin ang kaso na naglalayong makumpiska ang mahigit $5 milyon na umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng yumaong si dating Leyte Governor Benjamin Kokoy Romualdez at ng asawa nito.

Ibinatay ng korte ang desisyon sa prinsipyo ng judicial stability o non-interference, kung saan hindi na maaaring pakialaman ng Sixth Division ang naunang utos ng Fourth Division na nagpalaya sa naturang pondo noong 2025.

Itinuring din ng korte ang matagal na pagkaantala ng kaso bilang indikasyon ng tuluyang pag-abandona ng estado sa paghahabol dito.

Si Kokoy Romualdez ay pinsan ni Imelda Marcos.

Ang dalawang ibinasurang kaso ay bahagi ng serye ng mga hakbang legal ng gobyerno upang mabawi ang mga bilyong pisong pondo na pinaniniwalaang kinamkam sa ilalim ng nakaraang administrasyon.