Dagupan City – Pinangangambahang makaapekto sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ang patuloy na tensyon sa Middle East, partikular sa posibleng pagtaas ng gastos sa produksyon at pagbabago sa iskedyul ng delivery ng mga produktong iniluluwas o hindi direktang ine-export ng bansa.

Ayon kay Natalia Dalaten, Assistant Regional Director ng Department of Trade and Industry Region 1 at Provincial Director ng DTI Pangasinan, maaaring maramdaman ng mga MSME ang epekto ng sitwasyon sa pamamagitan ng pagtaas ng production cost at posibleng pagkaantala sa transportasyon o pagpapadala ng mga produkto sa ibang bansa.

Ipinaliwanag ng opisyal na ang anumang paggalaw sa pandaigdigang merkado, lalo na kung may kinalaman sa suplay ng langis at logistics, ay maaaring magdulot ng domino effect sa operasyon ng maliliit na negosyo na nakadepende sa importasyon ng raw materials at sa pagluwas ng kanilang mga produkto.

--Ads--

Sa kasalukuyan, sinabi ni Dalaten na wala pang direktang epekto na nararanasan ang mga MSME sa rehiyon kaugnay ng tensyon sa Middle East.

Gayunman, nananatiling binabantayan ng ahensya ang sitwasyon dahil sa banta ng posibleng pagtaas pa ng presyo ng gasolina na maaaring makaapekto sa gastos sa transportasyon at produksyon.

Dagdag pa ni Dalaten na patuloy nilang minomonitor ang kalagayan ng mga negosyo upang matukoy kung kakailanganin ang mga hakbang o programa na makatutulong sa mga MSME sakaling lumala ang epekto ng pandaigdigang sitwasyon sa lokal na ekonomiya.