Susunod ang Dagupan Electric Corporation (DECORP) sa kautusan ng Energy Regulatory Commission (ERC) na palawigin ang pagpapatupad ng no-disconnection policy hanggang Nobyembre at Disyembre 2026, habang hinihikayat ang mga konsumer na unti-unting bayaran ang kanilang mga hindi pa nababayarang bill sa kuryente upang maiwasan ang mas malaking pagkakautang.

Sa panayam kay Atty. Randy Castillan, legal officer ng DECORP, sinabi niyang susundin ng kompanya ang pinakahuling abiso ng ERC hinggil sa pansamantalang pagsususpinde ng disconnection o pagputol ng suplay ng kuryente sa mga kwalipikadong konsumer.

Ayon kay Castillan, ang mga hindi pa nababayarang bill para sa buwan ng Mayo, Hunyo at Hulyo ay kailangang mabayaran hanggang Nobyembre 26, 2026.

Samantala, ang mga bill para sa Agosto, Setyembre at Oktubre ay may palugit hanggang Disyembre 26, 2026.

Nilinaw niya na hindi nangangahulugang kailangang hintayin ng mga konsumer ang itinakdang deadline bago magbayad. Maaari silang magbayad anumang oras kung mayroon na silang sapat na kakayahang pinansyal.

Inamin ni Castillan na malaki ang naging epekto ng no-disconnection policy sa pangongolekta ng kompanya, lalo na sa pagbabayad nito sa mga gastusin sa paglikha at paghahatid ng kuryente.

Ayon sa kanya, umabot sa 70 porsiyento ang ibinaba ng collection efficiency ng DECORP sa isang yugto ng pagpapatupad ng polisiya, bago ito umakyat sa 80 porsiyento at sa pinakahuling naitalang antas na 91 porsiyento.

Bagama’t nagpapakita ito ng pagbuti sa koleksiyon, sinabi niyang malayo pa rin ito sa karaniwang antas na nakasanayan ng kompanya.

Bukod sa usapin ng koleksiyon, inihayag din ni Castillan na nagpapatuloy ang paghahanda ng DECORP para sa inaasahang pagtaas ng konsumo ng kuryente at posibleng kakulangan sa suplay sa pagpasok ng 2027, lalo na kung matindi ang mararanasang epekto ng El Niño.

Ayon sa kanya, halos tapos na ang pagsusuri ng kompanya sa mga transformer sa kanilang nasasakupan upang matiyak na kaya ng mga ito ang posibleng pagtaas ng demand sa panahon ng matinding init.