
Bumagsak sa panibagong historic record low na P63.615 kontra US dollar ang piso ng Pilipinas ngayong Biyernes, Oktubre 23.
Bumaba pa ito mula sa naunang record na P63.52 na naitala lamang noong nakaraang araw, matapos sumadsad sa P63.62 sa kalagitnaan ng intraday trading bago bahagyang nakabawi sa pagsasara ng trading.
Ito na ang ikatlong sunod-sunod na araw na nagtala ng record low ang pambansang salapi at ika-31 beses na bumagsak sa pinakamababang antas sa kasaysayan ngayong taon.
Inaasahang magdudulot ang patuloy na depreciation ng piso ng pagtaas sa gastos sa angkat na langis, pagpalo ng inflation, at pagbibigat sa bayarin ng bansa sa mga utang na nasa foreign currency.
Sa kabila nito, pansamantalang makikinabang ang mga pamilya ng overseas Filipino workers (OFWs) dahil sa mas mataas na halaga ng conversion ng kanilang remittance.









