Maagang pinaghahandaan ng lokal na pamahalaan ng Binmaley ang posibleng epekto ng El Niño, partikular ang kakulangan sa suplay ng tubig, matinding init, at epekto nito sa agrikultura at iba pang pangunahing serbisyo.

Ayon kay Mayor Pedro A. Merrera III, nagpatawag siya ng pulong kasama ang mga department head at kinatawan ng mga kaugnay na ahensiya upang talakayin ang mga plano at hakbang sa paghahanda. Nauna na rin siyang naglabas ng mga memorandum at advisory para sa mga barangay at tanggapan ng munisipyo noong Hulyo o unang bahagi ng Agosto.

Kabilang sa mga dumalo sa pulong ang mga kinatawan ng PAMANA, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Department of Agriculture at iba pang tanggapan. Binigyang-diin ni Merrera ang pangangailangang palakasin ang paghahanda sa suplay ng tubig, kabilang ang mungkahing magkaroon ng hanggang 15 water tanker truck upang matugunan ang pangangailangan ng mga residente.

--Ads--

Ayon sa alkalde, dapat suriin kung sapat ang kasalukuyang suplay ng tubig para sa tinatayang 92,000 residente ng bayan. Dapat ding isaalang-alang ang pangangailangan ng mga hayop, agrikultura at BFP, lalo na kung magkaroon ng sunog sa panahon ng tagtuyot.

Hinimok din ni Merrera ang mga kinauukulang tanggapan na pabilisin ang pagkumpleto ng mga pumping station na bahagi ng limang-taong programa. Hiniling din niya sa electric cooperative at iba pang ahensiya na maglatag ng mga hakbang upang mapanatili ang mahahalagang serbisyo sakaling magkaroon ng problema sa suplay ng kuryente.

Samantala, pag-aaralan ng lokal na pamahalaan ang posibilidad ng suspensiyon ng klase depende sa tindi ng init at kalagayan ng mga mag-aaral. Hinimok din ng alkalde ang mga paaralan at tanggapan na gamitin ang kanilang mga mapagkukunan at huwag umasa lamang sa pondo ng munisipyo.

Nanawagan si Merrera sa mga ahensiya, barangay at mamamayan na magtulungan sa paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño. Pinayuhan din niya ang publiko na mag-ingat sa matinding init at uminom ng sapat na tubig upang maiwasan ang mga problemang pangkalusugan.