Nananatiling mapagmatyag ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Riyadh, Saudi Arabia, sa gitna ng mga naiulat na pagsabog at banta ng aerial attacks.
Sa panayam kay Grace Mostajo Bermal, isang OFW sa naturang bansa, bagama’t malayo ang kaniyang tinutuluyang lugar sa paliparan, nakaririnig pa rin siya ng mga pagsabog na nagdudulot ng takot at pag-aalala sa mga residente.
Ayon sa kaniya, tinatayang 45 minuto hanggang isang oras ang biyahe mula sa kaniyang accommodation patungo sa paliparan.
Gayunman, hindi nangangahulugan ang distansiyang ito na ligtas na sila sa posibleng panganib.
Ikinuwento rin ni Bermal na nagising siya nang maaga matapos makatanggap ng babala tungkol sa posibleng banta. Pagkaraan nito, nakarinig umano siya ng humigit-kumulang apat na pagsabog.
Upang matiyak kung siya lamang ang nakarinig ng mga ito, nakipag-ugnayan siya sa kaniyang mga kaibigan sa pamamagitan ng chat.
Kinumpirma naman ng mga ito na nakarinig din sila ng mga pagsabog, na mas malakas pa umano sa kanilang lugar.
Gayunman, nilinaw ni Bermal na hindi niya matukoy ang eksaktong lokasyon ng mga pagsabog.
Isa sa mga ikinababahala ni Bermal ang kawalan o pagkaantala ng mga babala hinggil sa posibleng aerial threats.
Aniya, mas nakatatakot kapag nakaririnig sila ng pagsabog nang walang paunang abiso mula sa mga awtoridad.
Bagama’t nakapagdudulot din ng pangamba ang mismong babala, mahalaga aniya ito upang makapaghanda ang mga residente at makapaghanap ng mas ligtas na lugar.










