Posibleng may legal na pananagutan ang mga kumpanya ng langis sa bansa kung sila ay mapatutunayang nagtatago ng langis o nagpapataw ng sobrang taas na presyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, kay Atty. Francis Abril, legal consultant at political analyst, kung ang isang kumpanya ay natunton na nag-hohoard o nagtatago ng kanilang suplay, maaari itong magdulot ng suspensyon o kahit permanenteng pagkakasara ng kanilang lisensya sa ilalim ng Department of Energy (DOE).
Bukod dito, ang mga opisyal, board of directors, at management ng kumpanya ay maaari ring managot sa kriminal na aspeto dahil sa pagbibigay ng pahintulot o paghadlang sa batas.
Ipinaliwanag din niya na may mga limitasyon sa dami ng langis na maibibenta sa bawat mamimili, at may mga exemption para sa mga sektor tulad ng agrikultura na nangangailangan ng gasolina para sa kanilang mga makina at kagamitan.
Pinayuhan ni Atty. Abril ang mga kumpanya ng langis na huwag mag-hoard at sundin ang itinakdang presyo upang maprotektahan ang mamimili.
Ipinahayag din nito ang kahalagahan ng paggamit at pagpapaunlad ng alternatibong pinagkukunan ng enerhiya tulad ng geothermal, solar, at hydroelectric upang matiyak ang seguridad sa enerhiya ng bansa.









