Pinawi ng lokal na pamahalaan ng Laoac ang pangamba ng publiko hinggil sa Alternate Landing Zone (ALZ) ng US Air Force at Armed Forces of the Philippines (AFP) na matatagpuan sa bypass road ng bayan.

Ayon kay Mayor Ricardo Balderas, ipinagmamalaki nila bilang taga-Laoac na dito gaganapin ang ALZ.

Nilinaw niya na ang layunin nito ay hindi para sa digmaan kundi bilang paghahanda sa anumang kalamidad o emerhensiya.

--Ads--

Dagdag pa ni Mayor Balderas, hindi malalagay sa panganib ang mga residente, at malaking tulong ang pagkakaroon ng alternatibong landing zone sa kanilang bayan sakaling may hindi inaasahang pangyayari.

Aniya, ito ay hakbang upang masigurong handa ang Laoac sa anumang sitwasyong nangangailangan ng mabilisang tugon ng mga awtoridad at rescue teams.